
Matagal tagal ko ng inaasam ang
pagkakataong ito, ang magkasama-sama kaming tatlo bilang
isang pamilya, isang tahanan na matatawag. May ama, ina at
anak na silang bumubuo ng isang tunay na tahanan.
Isang buwan na lang noon ang
hinihintay ko para sa aking interview sa embassy patungo
dito sa US. Masayang malungkot ang aking nararamdaman sa
pagkakataong 'yon. Masaya, sapagkat kami'y magkakasama na,
at sa tatlong taon naming pagiging mag-asawa ay ngayon pa
lang
kaming mabubuo at mamumuhay na tunay na pamilya. Malungkot,
sapagkat iiwan ko na ang nakagisnan kong pamilya, ang aking
ama at mga kapatid na simula't sapul kami'y magkakasama na.
At higit na nakalulungkot isipin na hindi man lang nahintay
ng aking ina ang pag-alis ko patungo dito. Dalawang buwan
bago kami umalis ng aking anak nawala siya sa daigdig na
ito. Alam kong masaya siya noon habang inaasikaso ko pa
lamang ang mga papeles namin sa embassy at nararamdaman ko
ang kalungkutan sa kanyang puso, ang pag-aalala ng isang
ina sa maaaring maging buhay ng kanyang anak dito sa
Amerika...malayo sa piling nila.
Nararamdaman ko ang bigat ng loob na
mawalay sa mga mahal sa buhay lalo na't sariwa pa sa alaala
namin na minsan sa aming buhay nawala ang pinakamamahal
naming ina at tuluyan na kaming iniwan. At heto na naman
kami muli na namang mababawasan ang dati naming tahanan na
minsang binigyan ng kulay ng aking anak sa pagbibigay tuwa
at kasiyahan sa aming ama.
Marahil ganito talaga ang buhay ng
tao, aalis ka sa dati mong tahanan upang humabi at magtayo
ng panibagong tahanan kasama na ng iyong kabiyak at anak na
siyang bunga ng inyong pagmamahalan.
Mahirap talagang mawalay sa mga
mahal
mo sa buhay lalo na't malapit ka sa mga ito. Masaya kaming
nagkakasama-sama na magpipinsan kapag may mga handaan o
okasyon sa amin. Kahit ang mga tito't tita namin ay
masayang nakikiumpukan sa amin. Parehong side ng aking
ama't ina, lahat sila nagkakasama sa aming munting
tahanan...buo..iisa.. buklod-buklod. Kaya nga't sa ganitong
uri ng pagsasamahan mahirap malimutan.

Aug.27, 1996
Araw ng pag-alis naming mag-ina at
umuulan pa nang araw na iyon na tila ba nakikisaya at
nakakadama ng lungkot ang ulan sa aming paglisan. Hindi man
mababakas sa akin ang kalungkutan, tila nararamdaman ko ang
bigat ng loob na lumisan sa tahanang nagisnan ko na mula
nang ako'y isilang. Mabuti na nga lamang at sa kaunting
panahon ay binigyan nila ako ng despedida upang makasama ko
rin sila sa huling pagkakataon. Naroon ang mga pinsan ko,
kaibigan, tito't tita, mga pamangkin ko, hipag, bayaw,
biyenan...salo-salo kami lahat...masaya!
Hinatid kami ng aking ama, ni Daddy
sa airport kasaama ang mga in-laws ko. Ang anak kong walang
kamuang-muang sa murang edad na tatlo ay nabagabag at
umiyak sa aking ama, na tawag din niya ay Daddy. Hindi niya
na pigilan ang nararamdaan niya, halos mag-aapat na taong
nagkasama at pinasaya ang Daddy't Mommy ko sa kanyang mga
jokes at sa kanyang kadaldalan at pinasaya ang tahanan
namin kasama ang kanyang mga pinsan, tito't tita, lolo't
lola... at ngayon nga'y aalis na kami. Pilit na kumawala sa
akin at humagulgol sa Daddy ko at sabay tanong
kung kailan siya susunod sa amin. At hanggang sa pagpasok
sa
loob, sa pag check-in umiiyak pa rin s'ya.
August 27, 1996 (LA Time)
Alas otso ng gabi ang dating namin
sa LA kasama namin ang biyenang kong lalaki, si Daddy
(rin). Abot tanaw ko na ang bababaan namin ngunit hindi pa
gabi, halos papalubog pa lamang ang araw...takipsilim pa
lang. Tanaw ko na ang malaking paliparan ng eroplano na sya
naming bababaan, ang runway at nakita ko rin ang mga bahay
na animo posporo sa liit at ang mga kuwadra-kuwadradong mga
daanan...malinis! Hindi katulad sa Pilipinas na squatter
ang madadaanan mo paglabas mo pa lang ng airport.
Napakalaki pala ng airport dito at ibang-iba talaga sa
Pilipinas!!
Summer nang dumating kami pero
giniginaw pa rin ako, marahil sa nakasanayan kong klima sa
atin. Nakakapanibago talaga, sa klima pa lang iba na, ano
pa kaya ang iba?
Matapos ang mahabang pila sa
immigration ay nakaraos din sa wakas, halos kami na lamang
ang naiwan sa dakong iyon ng arrival. Mabuti na lamang at
ang porter namin ay Pilipino rin kaya hinintay kaming
matapos sa immigration at tinulungan pa kami sa aming
mabigat na bagahe (o talaga lang trabaho nila 'yon?).
Palibhasa hindi pa ako marunong gumamit ng dollar kaya
hindi ko pa matantiya ang ibibigay ko na tip. Binigyan ko
ng $3, umangal at akin na lang daw 'yon at sayang lang daw
ang pagbubuhat niya ng aming mabigat na bagahe at paghintay
sa amin . Masakit man sa pandinig dinagdagan ko pa ng $5 at
sabay bulong, "Suwapang!!" Kababayan mo nga, mukha namang
pera, may kapalit pala ang lahat ng kabaitan niya! Sa
isip-isip ko, ganito ba talaga dito, kapwa Pilipino na ay
nangingibabaw pa rin ang pagiging garapal sa pera bago ang
pagtulong sa katulad kong baguhan dito?
Sa labas ay naroon na ang asawa ko
na
si Arman kasama ang dalawa niyang kaibigan para tumulong sa
pagbuhat ng mga bagahe. Masayang-masaya kami sa
pagkakataong 'yon, nagyakapan...tanda ng buo na kami bilang
pamilya at hindi na muling magkakalayo. Talagang dininig ng
Ama ang patuloy naming pananalangin sa Kanya..ang
magkasama-sama kami bilang isang pamilya.

Habang pauwi naman kami mula airport
ay nagmasid ako sa dinadaanan namin. Napakalawak ng daanan
na kung tawagin pala dito ay "freeway" at mabibilis ang mga
sasakyan. Walang maiitim na usok at wala ring trapik. Lahat
dapat ay naka seat belt sa loob ng sasakyan na hindi naman
ginagamit sa atin. Hmmm...amoy Amerika na talaga, hindi
talaga ako makapaniwala!!
Binaba lang namin ang gamit
namin sa bahay at umalis na uli kami para maghapunan sa
isang restaurant. Pag pasok namin sa loob ay pinaupo kami
sa isang lamesa sa dakong gilid. Nakakapanibago talaga,
kung hindi
dumidilim ay nakakasilaw ang paligid :-) puro puti at itim
kasi ang
mga tao, puro pa nag iingles!!! At palibhasa walang alam na
American food kaya spaghetti lang ang inorder ko at si
Arman at si Daddy naman ay steak, si Armi ay kids meal
lang.
Nabigla ako nang inihain sa amin ang order namin....
bandehadong spaghetti yata ang ibinigay sa akin at
kalalaking steak naman kina Arman at Daddy. Hindi ko naubos
ang spaghetti...maasim, iba talaga ang lutong Pinoy...sarap
Pinoy...(Jollibee siyempre!!) At ang steak naman sa tingin
pa lang busog na ako...sa laki!!! Hay mahirap talaga ang
bagong salta dito sa Amerika. Hanap-hanapin mo ang lutong
Pinoy at siyempre ang ulam na may kanin.
Ilang araw na rin kami dito nang
minsang naglalakad kami sa labas ng bahay namin ay may
bumati sa amin (hindi ko naman kilala!), "Hi!" sabi ng
nakasalubong namin. Ngumiti lang ako, hindi ko naman kasi
kilala. Ganito pala dito sa tuwing may masasalubong ka ay
dapat nakangiti ka at babatiin mo rin sila...dapat ready
palagi
ang ngiti mo. Ibang-iba talaga, nakakapanibago, lalo na
kung ang makakasalubong ko ay mga Amerikano o ibang
lahi...parang hindi ako kabilang dito, lalo kong
nakikita ang sarili ko na nag-iisa ako dito sa lugar na
ito...walang kakampi at kaibigan na mapagkakatiwalaan.
Parang
hindi ko kayang mamuhay dito, kailangang maging plastik ka
sa pakikipagkaibigan, 'yung tipong umaabot ang ngiti mo
hanggang tainga at sabay sabi, "hi, how you doin'? o kaya
"what's up??...gano'n ba talaga? Mahirap baguhin ang
kaugaliang nakagisnan at nakalakihan na natin. Dito dapat
mayabang ka, plastik ka, dapat matapang ka at handa mong
ipaglaban ang karapatan mo. Dapat ganito ka, dapat gano'n
ka...dapat...tama na! Hindi ko pa kaya !!! Nalulula
ako....nalulunod sa kultura dito....hindi ko pa kayang
sabay-sabay na tanggapin lahat ang mga ito.....kailangan
ko'y panahon at pakikisalamuha sa mga tao dito....hindi
gano'n kadali ang pag adapt sa buhay dito....mahirap...para
sa akin.
At ngayon nga na lagi lamang ako
sa loob ng bahay, may mga kapitbahay nga pero animo wala
sila, walang pakialaman. At ang mga kapit bahay namin ay
puro katandaan (Senior Citizen Village kasi) kaya walang
makausap, walang kaututang dila, walang
kahuntahan...malungkot. Ibang-iba sa
Pilipinas...nakakapanibago.
Hanggang ngayon nakikipagbaka pa rin
ako sa ugaling Amerikano at halos nararamdaman ko pa rin
kung gaano ako kaliit sa paningin nila. Nagkaroon ako ng
inferiority complex, naduduwag harapin ang mundo sa lugar
na ito.
Ngayon masisisi n'yo ba ako na
hanggang ngayon "home sick" pa rin ako sa sariling bayan?
Wala akong pinagsisisihan, masaya ako dahil buo na kami at
kahit tatlo lang kami sa aming munting tahanan ay puno at
sagana kami sa pagmamahalan at kapayapaan. Dangan nga
lamang at hindi gano'n kadali ang mag adapt dito lalo na't
nananatili lang ako sa tahanang ito buong araw (sa madaling
salita wala pa ring trabaho!).
Kaya nga naglilibang na lang sa
kasiyahang "maglakbay sa internet," mababaw man pero
pinasaya ako nito, pinalapit nito ang puso ko sa amin...sa
Pilipinas.
Home Sick Home, miss
ko
na ang buhay Pinoy, simple pero masaya, sama-sama ang mga
kapamilya at kaibigan. Pantay-pantay ang tingin sa bawat
isa. Amerika, nandito ang aming bagong
tahanan...nananatiling makikipagsapalaran sa bayang dayuhan
pero ang puso ko mananatiling nakaukit ang bayang
sinilangan.